Sabado, Enero 4, 2014

Outcast

            Ako si Fernando. Pido kung tawagin ng iba. Nakatira kami sa Maynila ngunit napilitan kaming lumipat sa probinsya ng lolo ko dahil dinemolish na ang bahay na aming tinitirhan. Pagmamay-ari raw iyon ng isang mayamang negosyante kaya naman wala na rin kaming nagawa. Dito na rin ako sa probinsya nagpatuloy ng aking pag-aaral sa kolehiyo. Mahirap ang naging sitwasyon ko lalo na at baguhan pa lamang ako rito. Naging irregular student ako dahil kakaunti lamang ang nakredit sa mga sabjek na nakuha ko na. Palipat-lipat ako ng pinapasukang klase. Iba-iba rin ang mga nakakasalamuha ko. Minsan ay naliligaw ako o kaya naman ay mali pala ang napapasukan kong klase. Iba’t-ibang kahihiyan agad ang dinanas ko sa unang buwan ng aking pag-aaral. Makalipas ang tatlong buwan ay nasanay na ako sa pasikut-sikot sa aming paaralan. Kilala ko na rin ang napakarami kong kaklase sa iba’t-ibang sabjek na pinapasukan ko. Hanggang sa makatagpo ako ng isang tropa na madali kong nakasundo.

            Siya si Alfred. Matalinong estudyante pero magaling makisama. Hindi siya naiilang sa iba at hindi rin nagiging iba ang pagtrato niya sa bawat isa. Para sa kaniya, basta naging kaklase niya ay itinuturing niya nang kaibigan. Madalas kaming nakakapagkuwentuhan lalo na at sa hulihan kami ng klasrum palaging nakaupo. Pareho pala kaming maagang namulat sa hirap ng buhay. Tulad ko ay wala na rin siyang ama at parehong nasa ibang bansa ang aming mga ina. Madali kaming nagkasundo dahil na rin sa pareho naming trip sa buhay lalo na pagdating sa mga kalokohan.

“Guys, si Pido nga pala. Bago nating tropa.” Pakilala sa akin ni Alfred sa mga katropa niya.

“Welcome, bro!” Sabay-sabay nilang sambit.

            Medyo hindi pa ako kumportable sa kanila dahil bihira lang ako makisalamuha. Minsan kapag wala si Alfred ay hindi ako masyado nakikisaya sa kanila dahil nahihirapan ako makipagpalagayan ng loob.

“Tol, nomo tayo sa Biyernes. Sama ka?” Alok sa akin ni Marcus.

“Sige ba. Salamat sa anyaya pare.” Hindi na agad ako nagdalawang isip pa at sumang-ayon na agad ako. Naisip ko na iyon na siguro ang hinihintay kong sandali para mas makilala ko sila at masakyan ko ang kanilang mga trip.

            Naging masaya naman ang inuman ng tropa. Hindi ako nagsisi sa aking pagsama. Sa wakas ay naging kumportable na ang pakiramdam ko sa kanila. Simula noon ay palagi na akong nakikisama sa kanila. Kung ano ang gusto nila ay ginugusto ko na rin. Kung ano ang trip nila ay sinasakyan ko lang. Malapit na ang bakasyon noon kaya naman naisipan nila na umakyat sa bundok. Sumang-ayon ang lahat kaya nakisang-ayon na rin ako.

            Huling linggo ng Oktubre ang panahon nang kami ay umakyat sa bundok. Nakakapagod ngunit masaya. Nakakapaso rin ang init ng sikat ng araw pero dahil doon ay mas nararamdaman ko ang ibig sabihin ng hiking. Kapag may ilog kaming nadaraanan ay agad kaming nagtatalunan. Tuwing gabi naman ay palaging nagkakainuman kung saan napasobra ang inom ko noong huling gabi namin sa bundok. Paggising ko ay wala na sila. Nauna na si Alfred sa pagpunta sa bayan para makabili ng gamot para sa iniinda niyang sakit. Wala ang ibang mga gamit ng tropa at tanging ang akin na lamang ang natira. Agad akong bumangon para hanapin sila.

“Hoy. Mga tol, hintayin ninyo ako.” Pilit kong sigaw habang nagtatakbuhan sila papalayo.

            Napag-usapan pala nila na iwan ako. Noong una, biru-biro lamang hanggang sa naligaw na ako. Tineks ko silang lahat kung nasaan na sila. Sinabi ko na hindi ko alam kung papaano makakauwi o bumaba sa bundok.

“P’re, diyan ka na. Hahaha. Iwan ka na namin. Tagal mo e!”  Teks ni Bino.

“Uy, walang ganyanan! Tol naman oh! Hindi ko talaga alam ang lugar na ito.” Sagot ko kay Bino.

            Nagkita-kita na silang lahat sa bayan kung saan nakaparada ang sasakyang aming ginamit. Naroon na rin si Alfred. Umandar na ang sasakyan nang malaman niya na kulang sila.

“Teka, nasaan si Pido?” Pagtataka niya.

“Nandoon, iniwan na namin. Kaya naman niya sigurong umuwi mag-isa.”

“Hahaha…” Sabay-sabay nilang tawanan.

“Hoy! Balikan natin iyon. Baguhan lang iyon dito, hindi ba ninyo alam?” Pakiusap ni Alfred.

“May pupuntahan pa kasi kami. Kaya na niya iyon!”

“Mga loko-loko! Ihinto ninyo ang sasakyan. Babalik ako roon!” Galit na wika ni Alfred.

            Si Alfred lamang ang nakakaintindi sa akin dahil alam niya na pareho kami ng mga dinanas sa buhay. Madalas rin siyang mapagkaisahan noon kaya ayaw niya na mangyari rin iyon sa iba lalo na sa mga kaibigan niya. Bumalik si Alfred sa bundok para hanapin ako. Sakto namang nawalan ng enerhiya ang selpon ko kaya hindi niya ako makontak. Alam niya rin na hindi ako palagala kaya sigurado siya na maliligaw ako.

“Piidooo…” Isang sigaw ang aking narinig sa may kalayuan. Sumigaw rin ako hanggang sa matunton namin ang isa’t-isa. Gabi na nang magtapo kami ni Alfred. Agad-agad kaming bumaba ng bundok para magbakasakali na may masasakyan pa pauwi. Habang naghihintay kami sa isang maliit na tambayan ay may mga kalalakihang lasing na naparaan. Sinita kami at pinagtripan. Pinagtulungan nila kaming bugbugin kung saan wala kaming nagawa dahil masyado silang marami at nagmumukha kaming langgam kung itatabi sa kanila.

“Tama na po… Aah…” Pagkatapos magula-gulanit ang aming mga damit ay saka lang nila kami tinigilan. Mabuti na lamang at hindi kinuha ang mga dala naming gamit. Trip lang talaga nila na mambugbog dahil sa kalasingan. Natandaan ko ang suot ng dalawang lalaking bumugbog sa amin. Nabasa ako ang kanilang mga pangalan at agad kong tinandaan.

            Nakakainis isipin dahil kung kailan wala ang mga taong bumugbog sa amin ay saka naman may naparaang mga pulis. Humingi kami ng saklolo sa kanila. Pinasakay kami sa kanilang sasakyan kaya nakaramdam na kami ng pagiging ligtas. Maya-maya ay nagulat ako nang bigla na lamang himinto ang sasakyan sa isang madilim na lugar. Pilit kaming pinababa para tahakin ang isang maliit na kubo na walang nakatira. Nagulat kami sa mga sunod naming nasaksihan. Gumagamit pala ng droga ang dalawang pulis kung saan pilit din kaming pinagamit. Tumanggi ang isang kabataan na naabutan naming nakasay na kanina sa sasakyan. Sa pagiging matigas ng ulo nito ay bigla na lamang humugot ng baril ang pulis at binaril sa aming harapan ang lalaki. Nanlaki ang aming mga mata sa aming nasaksihan. Halos bumilis ang kabog ng aming mga dibdib. Pinagpawisan kami ng lubos hanggang sa namalayan na lang namin na gumagamit na rin kami ng droga.

“Saan mo ako dadalhin? Bitawan mo ako!” Sigaw ko sa pulis habang pinipigilan siya ni Alfred ngunit wala rin siyang nagawa.

            Bangag na ang pulis kaya naman kung anu-ano na lang ang naiisipan niyang ipagawa. Hinubad niya ang pantalon niya at pilit akong pinapagawa ng kahalayan. Sa isang banda ay naisahan ni Alfred ang isa pang pulis. Nakuha nito ang baril at itinutok sa pulis nang sa gayon ay makatakas siya. Dahil sa tama ng droga sa pulis ay madali itong napatumba ni Alfred sa pamamagitan ng paghampas dito ng bote ng alak. Hinanap niya agad ako para makaalis na kami sa lugar na iyon.

“Mamang pulis, subukan mo at matatamaan ka sa akin!” Buong tapang na pagsigaw ni Alfred habang nangangatal sa paghawak ng baril.

“Tapang mo bata ha! Alam mo ba kung paano gamitin iyan? Haha.” Pagmamayabang ng pulis.

“Ibigay mo sa akin iyang baril mo kung hindi papuputukin ko ito!” Panakot ni Alfred. Mahirap paamuhin ang pulis kaya naman minabuti ko na kumuha ng tamang tyempo para agawin sa kaniya ang baril.

            Hindi maiputok ni Alfred ang baril dahil natatakot siya na magkamali. Patuloy pa rin akong nakikipag-agawan sa pulis hanggang sa may bigla na lamang pumutok. May dugong umagos sa aking braso. Natamaan pala ako sa kanang balikat. Sa pagkakataong iyon ay binaril na ni Alfred ang pulis sa takot na makapamaril pa itong muli.

“Aaah… Sakit!” Daing ko.

“Mabuti at daplis lang. Kaya mo pa ba?”

“Wala ito! Huwag mo akong intindihin.”

            Habang nakaratay ang pulis ay nagmadali kaming tumakas papalayo. Inihagis na lang namin ang baril sa isang bangin para hindi na nila ito matagpuan. Habang nasa daan ay may mabuting ale ang nagpasakay sa amin at dinala kami sa ospital. Habang ako’y nagpapahinga ay nagreport naman si Alfred sa isang istasyon ng pulis sa di kalayuan.

            Pagkatapos ng isang lingo ay nakulong ang mga lasing na kalalakihan na nambugbog sa amin. Nahuli na rin ang mga pulis habang ang isa naman ay nagpapagaling din sa ospital dahil sa tama ng bala noong binaril siya ni Alfred. Halos gabi-gabi akong hindi makatulog. Paulit-ulit na bumabalik sa aking isipin ang lahat ng mga nangyari. Kapag naman ako’y nakakatulog ay palagi akong binabangungot. Halos ilang lingo akong wala sa sarili.

“Tol, sampahan natin ng kaso ang tropa.” Wika ni Alfred.

“Kailangan ba talaga?”

“Iniwan ka nila sa bundok! Kung hindi nila ginawa iyon ay hindi mangyayari ang lahat ng ito.”

            Napaisip ako sa sinabi niya sa akin. Awang-awa ako sa sarili ko. Kahit ano ang gawin kong pakikisama sa kanila ay hindi ko inasahan na magagawa nila sa akin iyon. Kung hindi nila ako kayang tratuhin bilang kaibigan, sana kaya nila akong tratuhin bilang kaklase o bilang tao. Nakakapagod.

“Simula ngayon, hindi ko na pipilitin ang sarili ko sa kanila. Hindi na ako maghahanap ng atensyon o hindi ko na pipilitin ang sarili ko na magustuhan nila para lang maging bahagi ako ng tropa.” Sagot ko sa kaniya.

            Masyadong masakit para sa akin ang lahat pero sa tuwing iisipin ko ang pagganti ay nangingibabaw sa akin ang mga kabutihang naidulot nila sa akin. Kahit papaano ay naging masaya rin sa pakikitropa sa kanila. Ang problema lang siguro ay masyado akong mabait. Mabait dahil ganito ako pinalaki ng aking ama at itinatak niya sa isip ko ang mga kabutihang asal noong nabubuhay pa siya. Dahil dito, napagpasyahan ko na huwag na lamang silang kasuhan. Bilang kaibigan ay ayaw kong masira ang kanilang mga kinabukasan.

            Isang araw ay nagulat ako nang naabutan kong maraming tao sa aming bahay. Ang tropa pala. Nagmamakaawa sila sa paghingi ng paumanhin. Lahat sila ay humingi ng kapatawaran hindi lamang sa akin kundi maging kay Alfred. Nagpasalamat naman ako kay Alfred dahil sa lahat ay siya ang naging tunay kong naging kaibigan. Kung hindi niya siguro ako binalikan sa bundok ay baka kung ano na ang nangyari sa akin.


“Huwag na kayong lumuhod. Hindi ako Diyos. Pinapatawad ko na kayong lahat.” Wika ko sa kanila. Siguro maaaring napatawad ko sila pero hindi na nito maibabalik ang dating pagiging malapit ko sa kanila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento