Martes, Marso 19, 2013

Maligayang Pagsisipagtapos


Iba’t-ibang pagkatao, magkakaibang personalidad. Iba’t-iba man ang pananaw, pinagbuklod-buklod para iisang pangarap, ang magtagumpay.

Pagkatapos ng buhay natin bilang mga estudyante, maraming pagbabago kasabay ng mga malalaking pagsubok ang ating mararanasan. May mga magbabanat na ng buto, bubuo ng sariling mga pamilya habang ang iba ay muling mag-aaral para sa titulong inaasam. Anuman ang landas na tahakin natin, anuman ang marating natin, manatili tayong nakatapak sa lupa.

Kung hindi man tayo papalarin at sa mga hindi na susubok ng pagsusulit para sa titulong inaasam, huwag nating hayaan na lamunin at daigin tayo nito. Naniniwala ako na kahit kailan ay hindi kayang sukatin ng isang pagsusulit ang kagalingan at abilidad ng isang tao. Alam natin sa mga sarili natin na may talino at talento tayo sa maraming bagay na kung lilinangin at gagamitin natin sa tamang paraan ay ito ang magsisilbing susi para maabot natin ang mga ambisyon natin sa buhay. Sa huli, hindi ang titulo ang magiging batayan ng tagumpay ng isang tao. Ito ay kung paano tayo tatayo sa sarili nating mga paa pagkatapos nating matanggap ang diploma na limang taon nating pinaghirapan at kung paano tayo maninindigan sa pag-abot ng ating mga pangarap sa kabila ng napakaraming pagsubok ng mundong ating ginagalawan.

Darating ang araw na matututo rin tayong tumayo sa sarili nating mga paa. Matututong lumaban at humarap sa panibagong bukas na puno ng pag-asa. Mangarap tayo hindi lamang para sa sarili natin kundi para na rin sa mga taong mahal at mamahalin natin. Gamitin natin ang ating mga kaalama’t abilidad na natutunan hindi para magmalaki kundi para patunayan sa mga sarili natin na kaya nating lampasan ang anumang hamon ng buhay, higitan pa ang ating mga kakayahan at higit sa lahat ay kaya nating humakbang ng buo ang loob, may dignidad, tiwala sa sarili at pananalig sa Diyos.

Paglipas ng maraming panahon, isa lang ang gusto kong marinig:

“Nagbago man ang ating mga itsura at mga katayuan sa buhay, ‘yong pagkakaibigan na nabuo natin sa mahabang panahon ay hinding-hindi magbabago. Hindi man tayo madalas na magkita-kita, palagi kayong may espasyo dito sa puso ko dahil bilang kaibigan, isa kayo sa mga naging bahagi at nagsilbing inspirasyon sa pag-abot ng mga pangarap ko.”

Maraming salamat.

Hanggang sa muling pagkikita.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento