Minsan talaga tinatamad akong pumasok dahil sawang-sawa na ako sa iisa at paulit-ulit na senaryo na nasisilayan ko at isa na riyan ang dalawang magsyota na palagi na lamang nagliligawan sa gilid ng gumamela. Malamang, pagpasok ko pa lamang sa pinto ng aming silid-aralan na noon ay ninakawan ko ng padlak ay halatang umiiwas at nagsisipagtabi na ang sino mang makasalubong ko. Lahat sila natatakot kahit mas mukha silang nakakatakot at tila naiinis sa bawat galaw ko kaysa sa kaklaseng kong may putok na malayang iginagala ang nanununtok na amoy ng kili-kili niyang malago pa sa gubat ng isla Noah na talaga namang nagpalabas sa mga magma na dumadaloy sa mga ugat ko. Dahil doon ay muli akong sinaniban ng isang mang-uumit na ispirito na nakatira sa singsing ng planetang Jupiter at kung ano man ang dahilan kung bakit doon siya nanirahan ay hindi ko rin alam. Dahan-dahan kong inilibot ang aking mga mata, masigasig na nagmatsag na parang si Lupin III at nang makita ko na ang bibiktimahin ay sinimulan ko na ang paborito kong ginagawa sa oras ng klase lalo na kapag nagsusulat ang guro namin ng napakaraming matematika na talaga namang nagpapasakit ng ulo ko na hindi ko alam kung saang minahan nahukay. Nilapitan ko ang kaklase ko sa paraang hindi niya ako makikita at mararamdaman nang sa gayon ay makuha ko ang laruang pilit niyang itinatago sa akin. Kinapa ko ang bag niya at nang nahawakan ko na ang nais ko ay dali-dali ko itong kinuha sabay halakhak ng malakas na parang isang kontrabida sa isang pelikula. Tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay nakuha ko rin ang laruan niya ngunit ako’y natigilan nang ang nakita ko sa kamay ko na inakala kong sundalong laruan ay isa palang manika na sadyang itinirintas at tinalian ang buhok. Noon ko napagtanto na binabae pala si Gregorio na inakala kong maton dahil sa tuwing tinitingnan ko ito ay sinusuklian ako ng matalim na tingin na hindi ko alam na pinagnanasahan niya na pala ang birhen kong katawan, pakiramdam ko tuloy ay ang dumu-dumi ko na. Sa sobrang inis ko ay inihataw ko sa kanya ang manika niyang nakasuot ng micro-skirt at sabay pananakot na isusumbong ko siya sa tatay niyang sundalo kung hindi niya ibibigay sa akin ang baon niya.
Masyadong hindi naging maganda ang simula ng araw ko kaya naman para manumbalik ang sigla ko ay hinarang ko ang mga kaklase ko na naglalaro ng jolen. Dahil pagkakataon na ay umasta ako bilang isang guwardya na madalas wala sa geyt sa tuwing pumapasok ako at sinamsam ko lahat ng pag-aari nilang mga jolen maging ang sasakyang laruan ng isa sa mga miron. Madami ang umiyak kasabay ng tumutulo nilang berdeng uhog sabay pahid sa katabi, madami ang naihi sa salawal dahil sa takot habang ang isa ay nakapampers pa pala at sa dinadami-rami ng matatapang ay ang isang bulilit pa na hindi ko alam kung ipinaglihi sa butiki o sadyang malnuris dahil pwede na siyang mapagkamalang humuhingang kalansay na ang misyon ay paslangin ang mga halaman sa aming hardin. Sa tangkad kong ito wala pang isa ang humahamon at nananalo sa akin kaya naman ipinatikim ko sa bubwit na iyon ang sakit ng katawan na hinahanap niya dahil ako ay ako, nag-iisa, walang katulad maliban sa pagkakahawig namin ni Tom Cruz, anak ng gobernador at higit sa lahat ay makapangyarihan ngunit wala akong kamehameweyb, rasengan at reygan. Ako si Marco, matangkad, maganda ang pangangatawan na naghihintay lang ng ilan pang taon para maging isang modelo at guwapo na sa bawat kurap ng aking mga mata ay di mo mapipigilang maglaway. Wala akong pinapalampas mapababae o lalaki dahil ang anumang kanila ay nararapat na mapunta sa akin.
Mataas ang sikat ng araw na bahagyang natakpan ng ulap kasabay ng isang marahang ihip ng hangin. Araw ng Sabado kaya naman ang lahat ay nagliliwaliw at naglalaro ng wagas sa abot ng kanilang makakaya. Pumunta ako sa parke para makipaglaro pero isang kapangi-pangilabot na senaryo ang aking natunghayan na nagpatigil sa umiikot kong mundo dahilan kung bakit nabalutan ako ng inggit at galit nang makita ko na may bagong laruan ang kaibigan ko. Sinigiwan ko siya at nilapitan kasabay ng malakas na ingay na umalingawngaw na umagaw ng atensyon ng lahat. Sa harap ng marami ay matapang kong inagaw ang robot na hawak niya at inihagis ko sa pader na may bandalismong nakasulat na “bawal umihi dito” kung saan nangalas ang mga parte ng Voltes V niyang laruan. Tulad ng ama ko na madalas nagsasalita sa harap ng bayan ay ginamit ko ang oportunidad para sa isang anunsyo na maging global warming ay maaapektuhan. Ipinamukha ko sa kanila na ako lamang ang may karapatang magkaroon ng magagara at mamahaling laruan at sino man ang lumabag ay iuuntog ko sa masel ko na kasing laki ng bunga ng santol na bilog ang bunga, berde pag hilaw, dilaw pag hinog, kayumanggi pag bulok at kung ano ang kinalaman nito sa malupit kong anunsyo ay hindi ko rin alam. Kinuha ko isa-isa ang lahat ng laruang nakikita ko at hindi ko pinalampas maging ang manika ni Gregorio. Isinilid ko ang lahat sa sako ng basurahan na nakita ko habang ang iba ay ipinaanod ko sa kanal. Maya-maya ay dumating ang magulang ng kaibigan ko at dahil pangarap kong mag-artista ay ginamit ko ang aking talento sa pag-arte para mabilog ko ang pag-iisip ng kaniyang ina. Nagpanggap ako na malungkot kasabay ng kunwaring pagkawala ng mga laruan kong mamahalin at dali-dali kong sinisi ang isa ko pang kaibigan na halos nataranta ng hindi niya inasahang ituturo ko siya. Para mas maniwala ang lahat ay pinapatak ko na ang mga puro kong luha na sino man ay magagawang maawa at sa huli ay ako ang nagwagi. Pinauwi na ang kawawa kong kaibigan sabay buntal gamit ang sinturon habang ako ay patuloy sa paghalakhak nang sila ay nakalayo na.
Medyo dumidilim na ang paligid at kasabay ng unti-unting paglubog ng araw ay ang nakabibinging katahimikan sa parke. Nag-uuwian na ang lahat habang maya-maya ay nakita ko si Angela na nakaupo sa sa isang sulok. Agad ko siyang nilapitan para alukin na ihahatid ko na siya sa pag-uwi pero hindi niya ako pinansin at patuloy lamang siya sa pagtitig sa kalangitan. Maya-maya ay nagsalita siya at tinanong kung bakit ako nagkaganito. Nangungusap ang mga mata niya at tila nawasak ang puso ko kasabay ng panglalambot dahil tapat niyang sinabi na hindi niya ako gusto at kung maaari raw ay layuan ko na siya. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksyon, malulungkot, maluluha, magpapanggap na hindi ako nasasaktan o mamabutihin na lamang na tumakbo papalayo para maitago ang sakit na nadarama ko.
Kinabukasan ay parang walang nangyari, pilit kong itinago ang ano mang naganap kahapon at sa halip ay ibinaling ko na lamang ang aking atensyon sa mga kalaro ko na mukhang nahahalata na yata ang pagkamalungkot ko. Pagkalabas ko sa simbahan ay may isang musmusing bata na namamalimos at pilit hinihingi ang dala kong laruan at agad ko naman siyang itinaboy at sinigawan na kung maaari ay umalis siya sa dinaraanan ko. Dumaan ako sa parke bago umuwi para makipaglaro sa mga kaibigan ko pero napansin ko na malayo pa lamang ako ay tila nag-iiwasan na ang lahat maging ang mga nakasanayan kong mga kalaro. Nilapitan ko sila at niyakag na makipaglaro pero hindi ko inasahan na ipagtatabuyan nila ako sabay sabi na ayaw na nila kong kalaro. Dahil sa inis ay nagmatapang ako at hinamon ko ng suntukan ang mga kaibigan ko na alam kong di lalaban sa akin. Ginulo ko sila sa paglalaro at muli ay pilit kong inagaw at sinira ang kanilang mga laruan. Nagalit silang lahat dahilan upang sila ay magsama-sama at ako ay pinagkaisahan. Gulat na gulat ako sa mga kaganapan, nilabanan ko sila pero dahil ako lamang mag-isa ay umuwi akong sugatan at bigo.
Pag-uwi ko, sa labas pa lamang ng bahay ay nag-aaway na naman ang aking mga magulang na palaging wala dahil sa negosyo. Lumaki ako na halos ang yaya namin ang nag-aaruga at gumagabay sa akin na naging dahilan para ibaling ko na lamang sa mga laruan ang aking atensyon. Ang mga laruang ito ang nagsilbing mga kaibigan ko sa mahabang panahon, sila ang madalas na pinagsasabihan ko ng mga sama ng loob kahit minsan ay nagmumukha na akong baliw at sila ang nagbibigay ng aking kaligayahan lalo sa mga panahong mag-isa at nalulungkot ako. Kulang ako sa atensyon at pagmamahal mula sa aking mga magulang at wala naman akong kapatid para maging karamay. Tanging sa salapi, luho at sa mga ibinibigay na pangangailangan ko lamang nararamdaman na may matatawag pa pala akong mga magulang.
Maaga akong nagising para pumasok sa eskwelahan, nakita ko si Anthony na naglalakad at agad naman akong tumakbo papunta sa kaniya upang makisabay. Nagulat siya ng nakita niya ako dahil inaasahan niyang galit ako dahil sa ginawa nila sa akin hanggang sa dali-dali itong tumakbo papalayo at iniwan akong nag-iisa. Sa loob ng silid-aralan ay inakala ko na liban ang kaklase kong kahawig ni Doding daga pero laking gulat ko nang makita ko siyang nasa likod at doon naupo. Maliwanag na sa akin na ang lahat ay tuluyan ng umiiwas at lumalayo pero hindi ko sila kailangan dahil lumaki akong mag-isa at kaya kong mabuhay ng ako lamang. Sinigawan ko ang lahat ng mga kaklase ko, inilabas ko sa kanila ang galit ko, pinagkukuha ko muli ang mga laruan nila nang bigla akong natigilan ng isang tinig ng babae ang nagpahinto sa akin. Si Angela pala na buong lakas sumigaw na itigil ko na ang ginagawa ko kasabay ng pagpasok ng aking mga guro. Tulad ng inaasahan ay ako na naman ang masama, ipinatawag ang mga magulang ko na hindi ko alam kung nag-eeksis pa at ang mas malupit ay ipinuwesto ako sa likod ng mga upuan. Walang pumapansin sa akin kahit pilit akong nagpapansin at nang pandilatan ako ng babae kong kaklase na walang ginawa kundi ang makitsismis ay tinitigan ko siya ng masama tulad ng isang lalaki na sa sobrang inis ay kayang pasabugin ang mga bulkan.
Sa mga panahong iyon ko naramdaman ang tunay na kahulugan ng pag-iisa. Napakabigat ng pakiramdam ko na tila gusto ng tumulo ng luha sa kanang mata ko at parang pinagsakluban ako ng langit at lupa kung saan sa sobrang sakit ay para bang bumagsak ang planetang Jupiter at sa akin tumama. Mag-isa akong umuwi at wala pa rin ni isa ang naglalakas-loob na pumansin sa akin kahit iyong matanda na habang nagwawalis sa isang sulok ay nagbabasa ng isang libro tungkol sa white lady sa puno ng balete. Pagdating ko sa bahay ay nilapitan ko ang mga magulang ko para sabihin na kailangan nilang pumunta sa paaralan pero tulad ng dati ay abala sila sa tinatapos na negosyo at sinabi na ang yaya ko na lamang muli ang mag-aasikaso sa akin. Pakiramdam ko tuloy ang sama-sama kong bata, wala na nga akong mga kaibigan pero mukhang mawawalan din ako ng mga magulang.
Habang mag-isa sa kuwarto at nakahiga sa kama ko na napapalibutan ng napakaraming mga laruan ay nakaramdam ako ng pagsisisi. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko mapagsisinungalingan ang sarili ko dahil ang sakit-sakit na. Kung pwede lamang sana maulit ang mga naganap na at kung maaari ay ilagay sa una ang pagsisisi nang sa gayon ay hindi ako nahihirapan ng ganito. Hindi ko napigilan ang sarili ko at di ko namalayan na nagdarasal na pala para humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa ko kasabay ng patuloy na pag-agos ng mga luha ko.
Kinabukasan ay agad kong nilapitan si Angela para humingi ng tawad pero sinabi niya na dapat sa mga kaklase namin ako humingi ng tawad na inaasam ko. Habang umiihip ang malamig na hangin kasabay ng isang mabahong utot na hindi ko alam kung saan nagmula ay naramdaman ko ang mga kaba sa king dibdib. Buong tapang ko silang nilapitan para makiusap na patawarin na nila ako at ibinalik ko na rin ang mga laruang kinuha ko maliban sa manika ni Gregorio na namalayan kong nginatngat na ng aso namin at dinala sa ibang ibayo. Wala akong narinig na ano mang salita mula sa kanila at sa pag-aakalang pagtatawanan lamang nila ako dahil sa ang matapang na ako ay natutong humingi ng paumanhin ay minabuti ko na lamang na umalis at tumakbo para makaiwas sa kahihiyan. Maya-maya ay may mga naririnig akong mga estudyante na nagbubulungan na tila papunta sa kinaroroonan ko. Mga kaklase ko pala pero sa halip na pansinin sila ay itinuon ko na lamang sa iba ang aking atensyon pero laking gulat ko nang bigla nila kong lapitan at kausapin. Narinig ko mula mismo sa kanila na hinihintay lamang nila ako na humingi ng tawad at pilit nila kong iniiwasan nang sa gayon ay malaman ko ang pagkakamali ko. Halos maluha ako sa galak sa nalaman ko na kaya nilang patawarin ang tulad ko lalo na noong sinabi nila na magkakaibigan pa raw kami sabay yakag sa akin na makipaglaro. Mula naman sa kalayuan ay ang mga magulang na katatapos pa lamang na kausapin ng mga guro ko pero sa halip na ako ay kanilang pagalitan at sermonan ay humingi rin sila ng tawad sa akin dahil sa malaki nilang pagkukulang. Doon ko naramdaman ang tunay na pagmamahal ng lahat at iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakalimutan ko ang mga laruan maging ang galit ko sa lahat.
Hindi ko alam kung paano sasabihin pero ang mahirap na desisyon sa akin noon na ipahiram ang mga laruan ko ay naging madali na lamang ngayon. Natutunan ko na igalang ang lahat ng pag-aari ng iba at natutunan ko rin ang magbigay at magpahiram ng kung ano man ang mayroon ako. Agad ko ring pinuntahan sa labas ng simbahan ang pulubi na ipinagtabuyan ko noon para humingi sa kaniya ng tawad at para ibigay sa kaniya ang ilan sa mga paborito kong laruan na naging bahagi ng buhay ko. Maliwanag na sa akin na hindi dapat ako naging masamang bata kasabay ng napagtanto ko na hindi ko pala kayang mabuhay ng mag-isa dahil ang mabuhay ng manhid at hindi nagmamahal ay masahol pa sa isang pagkamatay. Madalas kong sabihin na dapat ang lahat ng sa inyo ay akin din pero ngayon ay nangangako ako na ang lahat ng sa akin ay buong puso kong ibabahagi ko sa inyo.
Ito ay ang maikling kuwento na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.
nice
TumugonBurahin