Sabado, Oktubre 16, 2010

Buhay Sikat

Isa na namang maaliwalas na umaga ang bumungad sa akin. Isa na namang araw na puno ng kasiyahan,mga papuri at minsa'y mga kalungkutan. Umaga na naman,paulit-ulit na lang ang mga kaganapan,sasapit ang hapon at lalamunin ng dilim. Kailangan ko ng bumangon para tapusin ang mga nakabinbing mga gawain at syempre kailangan na namang pumasok sa iskul.

Papasok pa lang ako sa loob ng kampus at tulad ng inaasahan eto na naman ang mga masusugid kong tagahanga na madalas na bumabati sa akin kahit hindi ko kakilala. Papasok pa lang ako ay nagtitilian na ang mga babaeng kahit nasaktan at napaluha ko na ay patuloy pa rin akong iniibig at hinahangaan. Sa tuwing tatawagin ako ng aming guro para sa resiteysyon ay puro tilian ang aking naririnig na minsa'y nagiging dahilan ng pagsuspindi ng klase. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi pero salamat na rin at naiiwasan ko ang mga math subjects na kahit ayaw kong pag-aralan ay pilit inilalapit sa'kin ng tadhana.

Pag-uwi ko sa bahay ay naiinis ako tuwing inuutusan ako ng aking mga magulang. Hindi dahil ayaw kong mautusan kundi dahil sa tuwing pupunta ako sa tindahan ay sinusundan ako ng aking mga tagahanga,kaya naman inaabot ako ng tatlong oras sa pagpapalitrato at pagpirma. Ang resulta,wala na namang lasa ang niluto ng aking Ina.

Hindi rin madaling maging sikat,nakakapagod din. Minsa'y hindi ko alam kung pa'no ko pa hahatiin ang oras ko sa dalawandaa't limampu't anim na kasintahan na palaging nasa EDSA at pinagmamasdan ang billboard ko na nagiging dahilan ng matinding trapiko.

Sa kabila ng kasikatan at kasiyahang natatamo ko,ano pa nga ba ang mahihiling ko? Halos na sa kin na ang lahat pero sa tuwing sasapit ang maaliwalas na umaga na aking kinagisnan ay may pangambang nararamdaman. Sisikat na naman ang araw at magigising na naman ako mula sa mahaba at malalim na pagkakahimbing. Pagmulat ng mata ay isang kalungkutan ang nararamdaman dahil ang lahat ng aking natamo ay bunga lamang pala ng isang panaginip na malayong maisakatuparan. Ang kasikatan,kasiyahan at libo-libong mga tagahanga ay bunga lamang ng mapanlinlang na panaginip at imahinasyon na kailanman ay imposibleng matupad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento