Biyernes, Setyembre 30, 2011

Nang Dahil Sa Dota

"Ang mga pangalan ng mga tauhan at mga pangyayaring nakapaloob dito ay hindi totoo at pawang likhang isip lamang. Ano man ang pagkakahawig sa tunay na buhay, buhay man o patay ay nagkataon lamang."

“Klasmeyts, walang pasok bukas. Wala si Mam!” Bandang ala una na ng umaga nang mabasa ni Andrew ang mensahe sa kaniyang cellphone. Napakamot siya ng ulo dahil siguradong wala na naman siyang baon. Bago tuluyang matulog ay nag-isip ito ng dahilan para makapasok. Agad niyang itinext ang mga kaibigan nang may halong ngiti at pagkasabik sa kaniyang mga labi.

“Mga tol, dota na lang tayo bukas wala namang pasok eh. Sa shop na lang tayo magkita-kita.” Mensahe ni Andrew sa mga kaibigan na ganoon din ang ideya. Madalas siyang pumasok kahit wala namang pasok dahil sa pagkahumaling niya sa makabagong laro ka kung tawagin ay dota.

“Sige tol, text-text na lang dala ka na rin ng perang pangpusta. Siguro mga tatlong daang piso.”

“Sige ba,siguradong mananalo naman tayo diyan.”

Nag-iisang anak lamang si Andrew nila Juan na may sakit na lumalalang hika at Nena na tanging pagsasaka ang ikinabubuhay. Simple at payak ang kanilang pamumuhay, nagkakapera ng malaki sa tuwing nag-aani ng mga itinanim na palay ngunit madalas maghikahos lalo na kapag sinasalanta ng bagyo ang kanilang mga palayan. Kahit mahirap ay ginusto nilang pag-aralin si Andrew sa kolehiyo nang sa gayon ay makaahon sila sa hirap. Palagi nilang sinasabi na ang edukasyon lamang ang maipapamana nila sa anak at ayaw nilang matulad si Andrew sa kanila na hindi pinalad na makatuntong sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.

“Kring...kring...kring...” Nagising si Andrew sa malakas na tunog ng kaniyang cellphone. Dali-dali siyang gumising para mag-almusal at maligo.

“Nay, may babayaran nga po palang kaming proyekto para sa sabjek namin. Tatlong daang piso po raw sabi ng kaklase ko.” Sambit ni Andrew sa kaniyang ina na kasalukuyang tinutulungan ang asawa sa pagpapausok gamit ang bagay na panggamot para sa hika.

“Ganoon ba anak, maaari bang sa susunod na linggo ka na lamang magbayad. Sakto lamang ang pera para pambili ng gamot ng tatay mo.” Malungkot na wika ni Nena kung saan mababakas sa mukha nito ang pag-aalala para sa mga bayarin ni Andrew sa eskuwelahan.

“Hindi po puwede nay, hanggang ngayon na lamang daw po iyon.”

“Sige anak pakiabot mo nga sa  akin ang walet ko na nasa taas ng aparador.” Nakangiting kinuha ni Andrew ang walet kung saan nakita niya ang isang alkansiya sa tabi nito.

“Anak, mag-aaral kang mabuti ha. Hindi biro ang sakripisyo namin para lang mapagtapos ka.” Wika ni Juan na bahagyang paputul-putol ang pagsasalita dahil sa pausok.

“Opo tay, ako pa kayang-kaya ko yan.”

“Anak narito ang pera na hinihingi mo, mag-iingat ka ha.”

“Salamat po nay, sige po aalis na ako.”


Masayang umalis si Andrew mula sa kanilang bahay na hanggang ngayon ay nananatiling kubo dahil sa kakulangang pinansyal. Nasa gitna ng malawak na lupain ang kanilang bahay, malayo sa mga iba pang kabahayan gayon din sa kalsada.

“Pare kamusta? Laro na tayo.”

“May pangpusta ka ba?”

“Oo naman ako pa.”

Halos inabot ng tatlong oras ang paglalaro ni Andrew kasama ang kaniyang mga kaibigan. Araw-araw ay nakakaubos siya ng halos animnapung piso. Malayo ang paaralan mula sa kanilang bahay kaya naman kinakailangan pa ang sumakay sa dyip. Sa tuwing natatalo siya sa pustahan tulad ngayon ay wala itong magawa kundi ang maglakad pauwi dahil sa pagkaubos ng kaniyang baon. Tumambay muna si Andrew bago umuwi nang sa gayon ay hindi magtaka ang kaniyang mga magulang.

Nagsimula na siyang maglakad pauwi sa kabila ng katirikan ng araw. Kumakalam na ang kaniyang sikmura kasabay ng natutuyong lalaluman. Dali-dali niyang nilakad ang napakahabang kalsada kasabay ng mga maiitim na usok na pilit niyang nalalanghap.


“Teka, di ba si Andrew iyon?” Pagtataka ni Angelo nang makita ang kaklase na halos nahihilo na sa sobrang init at gutom. Nilapitan nito si Andrew at itinanong kung saan nanggaling.

“Tol saan ka galing? Di ba wala raw pasok?”

“Ah diyan lang, may pinuntahan lang ako.” Pagtanggi ni Andrew na inililihis ang tingin sa kaklase na kaunti na lamang ay babagsak na.

“Mukhang ang layo na ng nilalakad mo, kain ka muna.”

“Hindi tol ayos lang ako, salamat na lang.”

“Sa itsura mong iyan ayos ka pa? Mukhang namumutla ka na. Tara.” Pagpupumilit ni Angelo kung saan hinila niya na si Andrew dahil alam niyang masama na ang pakiramdam nito.

“Maraming salamat sa pagkain ha, sige aalis na ako may gagawin pa kasi ako.” Pasasalamat ni Andrew at muli ay sinimulan niya na ang paglalakad.

Nakarating na si Andrew sa bahay kung saan nadatnan niya ang pakikiusap ng ina sa mga di kilalang kalalakihan na kinailangan nang tanggalin ang kuntador ng kuryente dahil sa ilang buwan na silang hindi nakakabayad. Hindi ito pinansin ni Andrew at sa halip ay dumiretso sa higaan para makapagpahinga dahil na rin sa mga nananakit niyang kalamnan. Sa sobrang pagod nito ay agad itong nakatulog na napansin ng kaniyang ama.

“Anak, kumain ka muna bago matulog.” Alok ni Juan sa anak na mahimbing na ang pagkakahiga.

“Mahal, hindi ko na sila napakiusapan. Kailangan na raw talagang tanggalin ang kuntador dahil iyon ang utos sa kanila.” Malungkot na wika ni Nena na pilit pinipigilan ang namumuong luha sa mga mata. Napansin niyang nakatulog agad si Andrew kahit hindi pa nagdidilim. Lumapit siya sa higaan at kinumutan ang anak.

“Nakakaawa naman ang anak natin. Mukhang pagud na pagod siya galing sa eskwelahan. Siguro ay sinimulan na nilang gawain iyong binayaran nilang proyekto.”

“Maski ako awang-awa na rin, halos namamayat na nga ang batang iyan dahil sa kapupuyat sa kakaaral at kabibiyahe.”

"Mabuti na lamang at hindi iyan natutulad sa mga anak ni kumare na nahuhumaling doon sa makabagong laro sa kompyuter na do...dota yata kung tawagin."

"Mabait naman kasi ang batang iyan. Siguradong iaahon niya tayo sa kahirapan."


Gabi nang magising si Andrew. Pagkamulat ng kaniyang mata ay agad itong dumiretso sa kusina para sa hapunan.

“Ano bang buhay ito wala na ngang ilaw tuyo pa ang ulam.” Reklamo niya sa harap ng mga magulang.

“Pasensya ka na anak iyan lamang ang nakayanan natin. Hayaan mo sa susunod na ani ibibili kita ng paborito mong adobo.” Pangako ng kaniyang ama na habang sinasalinan ng tubig sa baso ang asawa at anak.

“Kailan pa po iyon? Ang tagal-tagal pa noon. Kainis naman ang buhay na ito.”

“Puwede ba anak magdahan-dahan ka naman sa mga sinasabi mo.” Sumbat ni Nena sa anak na halatang nagsisimula ng magalit.

“Ano pa nga bang magagawa ko? Malamang ang maghintay na naman. Saka nga pala may babayaran ho ulit kaming proyekto bukas.” Pagsisinungaling ni Andrew sa kaniyang mga magulang gayong wala naman talaga silang babayaran at gagamitin niya lang ang pera para makipagpustahan muli at makabawi sa kaniyang pagkatalo.

“Anak, hindi na tayo nakakabayad sa ilaw. Baka naman puwedeng pakiusapan mo muna ang guro mo. Naputulan na nga tayo ng kuryente.”

“Pakiusap? Ano ba nay nakakahiya. Pagtatawanan lamang ako ng mga kaklase ko.”

“Anak, wala na talaga kong pera. Nangutang pa ako kay kumare ng ipapamasahe mo para bukas.”

“Oo nga, intindihin mo naman iyong kalagayan natin sa buhay.” Wika ni Juan na kauubos lamang ng gamot. Nangagamba siya na baka umatake na naman ang hika niya gayong wala pa namang kuryente at hindi siya makakapagpausok kaya naman bahagya na lamang siyang nakikisabat sa pagtatalo ng asawa at anak.

“Lintik na buhay na ito. Simula bata palagi na lamang akong nag-iintindi. Sana hindi na lang ako ipinanganak para wala kayong  poproblemahin. Bakit ba kasi sa mahirap na pamilya ako napunta? Sa dinami-rami ng mayayaman sa mundo, bakit sa inyo pa? Paaral ng paaral tapos magrereklamo.” Pasigaw sa sumbat ni Andrew sa kaniyang mga magulang. Napatayo si Nena at sa sobrang pagkabigla ay nasampal nito ang anak sa kaliwang pisngi. Tumayo si Andrew hawak-hawak ang bote ng suka na akmang ihahampas sa kaniyang ina ngunit sa sigaw ng kaniyang ama ay napigilan niya ang sarili at minabuti na lamang na pumasok muli sa kuwarto.

Halos alas tres na ng madaling araw at nananatiling gising pa rin si Andrew dahil na rin sa walang tigil na alulong ng aso. Bumangon siya sa kinahihigaan at kinuha ang piruk-pirok sa lamesa kung saan napansin niya ang inihaing pagkain ng kaniyang ina para sa kaniya. Marahan itong lumakad patungo sa aparador. Maingat niyang kinuha ang alkansiya  at kinuha ang lahat ng laman nito.


Nagsimula nang sumilay ang gintong araw kasabay ng pagtilaok ng mga manok. Araw ng Biyernes at nagsisimula na muling magluto si Nena para sa aalmusalin ng kaniyang anak. Tinawag niya ang anak para sa agahan subalit walang sumasagot. Inakala niyang galit pa rin ang anak sa kaniya ngunit nang pinuntahan niya ito sa kuwarto ay wala na si Andrew. Maaga itong umalis para pumasok at ang hapunan kagabi sa lamesa ang kaniyang inumagahan.

“Letse talaga itong buhay na ito. Talo na naman. Isang laban pa mga tol.” Pasigaw na wika ni Andrew sa kaniyang mga kalaban na tuwang-tuwa sa kanilang pagkapanalo.

“Weak ka talaga Andrew, sa dinami-rami ng palay ninyo bakit weak ka na lang palagi, kumain ka kasi ng marami. Tara na ngang umuwi, natatamad na akong pumasok sa susunod na klase.” Pang-aasar ni Marlon kay Andrew. Hapon na nang natapos ang laro ng mga magkakabarkada. May natira pang pera si Andrew kaya naman may maipapamasahe pa siya sa dyip.

“Pamasehe lang pakiabot na.” Wika ng dispatser bago maningil.

“Pamasahe mo ne?”

“Wala po akong pera eh.”

“Wala ah?” Medyo naawa ang dispatser kaya naman hinayaan na lamang ang estudyanteng nakaupo sa tabi ni Andrew na nakaramdam din ng pagkaawa. Pumasok sa isip ni Andrew ang panghihinayang sa mga salaping naipusta niya nang makita niyang walang pamasaheng naiabot ang katabi. Napuno na ang dyip at kasabay ng mabilis na pag-andar nito ay ang kung ano mang bigat sa kaniyang nararamdaman. Nakaramdam siya ng pagsisisi sa nagawang pagsisinungaling sa mga magulang gayon din sa pagsagot niya sa mga magulang kagabi.


“Mahal, nahihirapan akong makahinga. Pakikuha iyong gamot.” Dali-daling kinuha ni Nena ang gamot sa aparador ngunit napansin niyang wala na itong laman kaya naman naisipan niyang gamitin na lamang ang pera sa alkansiya na nakalaan para sana sa tuition ni Andrew. Nagulat si Nena sa kaniyang nasaksihan. Wala ng laman ang alkansiya na sa sobrang nginig ay nabitawan niya at nabasag kasabay nito ay patuloy naman na inaatake ng hika ang kaniyang asawa. Hindi sila makapagpausok dahil naputulan sila ng kuryente.

“Tutut...tutut...” Isang cellphone ang tumunog na nakalagay sa tabi ng aparador na nakalimutan ni Andrew dahil sa pagmamadali. Madaling kinuha ni Nena ang cellphone, hindi niya muna binasa ang text at sa halip ay itinext ang mga malalayong kapitbahay para humingi ng tulong. Lalo siyang nanlumo nang malamang wala na palang load ang cellphone. Tumunog muli ang cellphone at binasa niya na ang text na mula sa mga kaibigan ni Andrew.

“Weak ka pala Andrew eh. Salamat sa ipinusta mo may pangdeyt na kami ng syota ko.”

“Andrew dota ulit tayo sa Lunes. Patalo ka ulit. Hahahaha.” Halos mapuno ng galit ang puso ni Nena dahil nalaman niyang ang anak mismo ang kumuha ng pera sa alkansiya. Ibinaba niya ang cellphone at tinulungan na lamang buhatin ang asawa papunta sa paradahan ng sasakyan nang sa gayon ay madala ito sa ospital. Buong lakas na binuhat ni Nena ang asawa na hirap na hirap na hanggang sa mapatid ito at bumagsak sa putikang lupa.

“Mahal lumaban ka malapit na tayo.”

“Hindi ko na kaya mahal. Hirap na hirap na ako, ayaw ko ng maging pabigat. Huwag mong pababayaan ang anak natin.” Mensahe ni Juan sa asawa habang naghahabol ng hininga. Wala ng nagawa si Nena kundi ang umiyak at yakapin ang asawa.


Samantala, nasa biyahe pa rin si Andrew. Bago pa man tuluyang bumagsak ang mga mata nito dahil sa pagkaantok ay napatingin siya sa salamin sa unahan ng dyip. Biglang nawala ang antok niya nang makita ang ama sa salamin. Tumingin siya sa likuran para tingnan ang ama ngunit wala ito doon. Takang-taka siya dahil sigurado siyang nakita niya ang imahe ng kaniyang ama. Agad naman siyang kinabahan at nang tumigil na ang sinasakyan ay dali-dali itong tumakbo pauwi. Mula sa kalsada ay natatanaw niya na ang bahay  maging ang mga di kilalang lalaki na nagtatayo ng tent.

“Ano pong mayroon sa amin?” Tanong ni Andrew sa isang babae na nakasalubong niya. Hindi naman umimik ang babae at sa halip ay niyakap na lamang siya. Habang lumalapit ay mas napapansin niya na maraming tao sa loob at labas ng kanilang bahay.

“Kuya, ano po ang...” Naputol ang pagtatanong ni Andrew nang mapansin niya sa isang tabi ang nakasabit na itim na tela. Tiningnan niya itong mabuti at halos manghina siya sa nasaksihan dahil napansin niya ang puting laso sa itaas na bahagi ng tela kung saan nakasulat ang pangalan ng kaniyang ama. Nanginginig siya nang pumasok sa loob ng bahay na tanging mga kandila lamang ang nagsisilbing liwanag. Bumuhos ang luha niya nang masaksihan mismo sa harap niya ang puting kabaong kung saan nakahiga ang kaniyang ama.

“Tay...tay, patawarin po ninyo ako.” Hagulgol ni Andrew.

“Umalis ka dito. Hayop ka! Nang dahil sa iyo namatay ang ama mo.” Galit na wika ni Nena habang siya’y pinapakalma ng mga kapitbahay. Nagpumiglas siya at pinagsasampal ang anak.

“Ano ang sinasabi mong mga proyekto? Niloko mo kami ng ama mo. Pinag-aaral ka naming mabuti at asang-asa kami na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay sinusulit mo ang pagkakataon para lang makapag-aral iyon pala nakikipaglaro ka lang sa mga kaklase mo ng hayop na computer games na iyan!”

“Nay patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya.”

“Ano’ng hindi sinasadya! Nagawa mong nakawin ang pera sa alkansiya na ipambibili ko sana ng gamot ng ama mo kanina tapos sasabihin mo sa aking hindi sinasadya?” Muli ay sinampal ni Nena ang anak kasabay ng paulit-ulit na pagtatanong nito kung nagkulang ba sila sa pagpapalaki sa anak.

“Hijo, mabuti pa ay lumabas ka muna para kumalma ang nanay mo.” Wika ng kumpare ni Juan. Lumabas si Andrew at walang siyang nagawa kung hindi ang humagulhol at humingi ng tawad sa ama na yumao na.

Ito ay ang Kategoryang Blog (freestyle) na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.













Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Rita Maldita

Maaliwalas ang sikat ng araw kasabay ng marahang ihip ng hangin, abalang-abala ang lahat sa gawaing bahay maliban kay Rita na magdamag ng naglalaro ng mga laruan lalo na ng kaniyang paboritong manika.

“Ate laro tayo,” alok ng kapatid niyang si Maria sabay kuha sa mga laruan ni Rita.

“Ano ba! Huwag mo ngang hawakan ang mga laruan ko, hindi ba’t meron kang sarili mga laruan, umalis ka na nga dito,” pasigaw na sagot ni Rita kay Maria na nangingilid na ang luha. Lumapit si Rita at kasabay ng pagkuha sa mga laruan ay ang pagtulak sa kapatid.

“Ate hinihiram ko lang naman eh,” wika ni Maria sabay pahid ng sipon sa damit. Simula ng isinilang si Maria ay lubos na galit at inggit na ang naramdaman ni Rita dahil sa pag-aakalang aagawin nito ang atensyon at pagmamahal ng kanilang mga magulang. Naging maramot siya at palaging ipinaparamdam kay Maria na mas matanda siya kaya naman mas may karapatan siya sa lahat ng bagay.

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Ang sabi ko lumabas ka na rito sa kuwarto dahil ayaw kitang kalaro,” naiiinis na wika ni Rita.

“Ate gusto ko lang naman na maglaro tayong dalawa eh,” wika ni Maria na nagsisimula ng matakot sa gagawin ni Rita.

“Alis! Gusto mo pa bang kaladkarin? Halika ka nga rito,” galit na wika ni Rita, hinawakan nya si Maria sa braso at dinala palabas ng kuwarto. Nagpumiglas si Maria at patuloy pa ring nakikiusap ngunit lalo lamang nagalit si Rita kaya naman naitulak niya si Maria hanggang sa di inaasahang mahulog ito sa hagdan.

“Maria...!” sigaw ni Rita na halos namutla sa kaba dahil sa nasaksihan. Sa halip na tulungan si Maria at humingi ng tulong ay agad-agad itong pumasok sa kuwarto sabay sara ng pinto. Sa pagsara niya ng pinto ay unti-unting nagdilim ang paligid niya, napansin niyang gumagalaw ang mga laruan na nagpasigaw sa kaniya, lumaki at nabuhay ang paborito niyang manika na nagbago ng anyo at naging isang mangkukulam.

“Aaaaaaaaaaaaaaaaahh! Ano’ng nangyari sa manika ko? Sino ka? Bakit kayo gumagalaw, Mama, Papa, tulungan ninyo ako,” pagmamakaawa ni Rita sabay bukas sa pinto ngunit nang pagbukas niya dito ay napunta na siya sa isang mundong madilim, nakakatakot at walang ibang tao kundi siya at ang manika niyang naging mangkukulam.

“Hihihihi, hihihihi, Rita, Rita Rita! Nagugutom na ako at ikaw ang ihahanda kong hapunan ngayong gabi, hihihihi,” wika ng mangkukulam.

“Hindi, hindi mo ako makukuha, hindi ka magtatagumpay,” sigaw ni Rita habang humihikbi at dali-daling tumakbo papalayo sa mangkukulam. Nakalayo na siya at inakala niyang ligtas na siya ngunit nang ibaling niya ang tingin sa harapan ay muli niyang nakita ang mangkukulam na naging dahilan ng paghanap niya ng ibang patutunguhan. Takbo siya ng takbo ngunit hindi siya makaalis dahil pabalik-balik lamang siya sa lugar na iyon at palagi niyang naririnig ang halinghing ng mangkukulam.

“Kakainin kita, ibababad sa kumukulong kawa at wala akong ititira ni isang hibla ng buhok mo hihihihi,” pang-iinis ng mangkukulam habang patuloy at pagod na tumatakbo si Rita. Sa pagtakbo nito ay di inaasahang malaking halimaw ang lumitaw sa harap niya na nilamon siya ng walang pakundangan.

Pagod ang katawan, mainit ang pakiramdam kasabay ng tumutulong mga pawis, masakit ang mga kalamnan at halos di makahinga sa usok na bumabalot kay Rita. Isinabit siya ng patiwarik ng mangkukulam sa itaas ng malaki, nagliliyab at kumukulong kawa kung saan siya iluluto ng mangkukulam. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at tuluyang bumalik ang kaniyang malay dahil sa maingay na halinghing ng mangkukulam.

“Ano ito? Ibaba mo ko rito. Parang awa mo na ibaba mo ako rito, huwag mo kong iluto,” pakiusap ni Rita kasabay ng pagtulo ng luha na pumatak sa kumukulong tubig.

“Ang dapat sa iyo ay pinaparusahan dahil masama kang kapatid, maramot at puno ng poot,” wika ng mangkukulam habang patuloy na inihahalo ang kawa.

“Parang awa mo na ibaba mo na ako rito. Kung gusto mo magbabago na ako, magpapakabait na ako at di ko na aawayin ang kapatid ko,” pakiusap ni Rita na halatang nahihirapan sa sitwasyon. Habang patuloy na nakikiusap at umiiyak ay natigilan siya nang makita sa kawa ang mga masasamang ginawa niya sa kapatid. Ang hindi pagpapahiram ng laruan, ang pang-aagaw ng hindi kaniya, pagiging makasarili, madamot at ang madalas niyang pagkagalit kay Maria.

“Ganyan ba talaga ako kasama? Hindi ako iyan, hindi ako iyan,” pagtanggi ni Rita sa sarili.

“Huwag ka ng tumanggi dahil ikaw ay masama kaya nararapat ka ng parusahan hihihihi,” sagot ng mangkukulam.

“Hindi ako iyan,” bulong ni Rita sa sarili habang maya-maya ay nakita niya ang kaniyang mga magulang at si Maria sa kawa. Nasaksihan niya ang nakaraan kung saan nalaman niya na ampon lamang siya.

“Hindi, hindi ako ampon, anak ako nila Mama at Papa, hindi ako ampon,” nangingiyak na wika niya nang biglang may pumasok sa isip niya.

“Kaya ba mabait sa akin si Maria, kaya ba palagi niya akong sinasamahan, kaya ba ayaw niya kong makitang nalulungkot dahil alam niya na ampon lamang ako?” tanong niya sa sarili habang patuloy na nag-iisip. Naunawaan na niya kung bakit ganoon na lamang ang malasakit ng kapatid niya at nakaramdam siya ng pagsisisi para sa mga nagawa niya. Nasabi niya sa sarili na hindi dapat siya naging masama at dapat naging mapagbigay at mapagmahal siyang ate kay Maria. Iyak siya ng iyak dahil sa pagsisisi habang patuloy pa ring hinahalo ng mangkukulam ang kawa.

“Hihihihi, iluluto na kita Rita,” wika ng mangkukulam habang dahan-dahang ibinababa ang tali para tuluyang iluto si Rita. Kaunti na lamang ay malapit na siyang malublob at habang patuloy na humahalinhing ang mangkukulam ay pagdarasal na lamang ang nagawa niya.

“Panginoon, patawarin po ninyo ako sa mga kasalanang nagawa ko, sa pagiging masama ko sa kapatid ko at patawarin ninyo ako kung naging makasarili at madamot ako,” panalangin niya habang patuloy pa rin siyang hinihila pababa ng mangkukulam. Nakapikit si Rita habang paulit-ulit na nagdarasal at bago siya tuluyang malublob sa kumukulong tubig sa kawa ay bigla na lamang may isang liwanag ang kaniyang nasilayan mula sa kalangitan kung saan may isang babae na nakasakay sa lumilipad na puting bisiro.

“Itigil mo iyan,” sigaw ng babaeng nakamaskra habang nakasakay sa puting bisiro. Dali-daling iniligtas nito si Rita at inihiga muna sa isang tabi para tuusin ang mangkukulam.

“Sino kang pakialamera ka? Umalis ka dito,” wika ng mangkukulam kung saan ginawa niyang matulis na ispada ang panghalo ng kawa. Naglaban silang dalawa, nagkasakitan, nagkasugatan at muli ay nag-ispadahan. Napatalsik at natumba ang babae kung saan natanggal ang maskra nito. Gulat na gulat si Rita dahil ang babaeng nakamaskra na nagligtas sa kaniya ay ang kapatid niya. Nanghihina ito at halos hindi na makagalaw hanggang sa tuluyang mawalan ng malay at nang nagkaroon ng pagkakataon ay sinunggaban siya ng mangkukulam para gawing palaka.

“Maging palaka ka...” bigkas ng mangkukulam nang pakawalan ang sumpa na dali-dali namang hinarang ni Rita.

“Aaaaaah.....kokak, kokak,” sigaw ni Rita nang salubungin ang sumpa kung saan siya ay naging palaka.

“Rita, anak, gumising ka na,” nakahiga si Rita, pawis na pawis at nagising dahil sa paulit-ulit na pagyugyog ng kaniyang mga magulang at ni Maria.

“Ma, Pa, Maria buhay ka, maaraming salamat at buhay ka,” pasasalamat ni Rita nang makitang buhay ang kapatid na napansin niyang may sugat sa noo at mga braso habang ang manikang paborito niya ay nakita niya sa tabi.

“Ate ayos lang ako huwag ka nang mag-alala,” sagot ni Maria. Tumulo ang mga luha ni Rita at niyakap ang kapatid. Humingi ito ng tawad para sa mga kasalanang nagawa niya at nangako na magiging mabait na ate na sa kaniya.

“Anak, may ipagtatapat kami sa iyo,” wika ng ina niya.

“Anak patay na ang tunay mong mga magulang. Matalik namin silang mga kaibigan at kami na ang nag-alaga sa iyo dahil namatay sila sa sunog noong ipinanganak ka,” wika ng kaniyang ama. Naluha muli si Rita at tinanggap na lamang ang katotohanan.

“Huwag na po nating isipin iyan ang mahalaga po ngayon kasama ko kayo, may nagmamahal sa akin at may tinatawag akong Mama, Papa at may kapatid na handang gumabay sa akin,” wika ni Rita habang pinapahid ang luha.

Kinabukasan, habang nasa salas si Maria ay nilapitan siya ni Rita.

“Maria, halika laro tayo,” alok niya sa kapatid habang hawak-hawak ang maraming laruan.

“Ate pahihiramin mo na ako ng mga laruan mo? Gusto mo ng makipaglaro sa akin,” sagot ni Maria na tuwang-tuwa sa alok ni Rita. Masayang naglaro ang dalawa, naghiraman ng mga laruan at natutunan na ang pagiging mapagbigay at mabait sa kapatid na umiintindi at patuloy na nagmamahal sa kaniya sa kabila ng lahat.

Ito ay ang kuwentong pambata na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.



Gantimpala


Noong una kang masilayan sa may bangketa,
Ako ay nanabik at napuno ng ligaya,
Ibang-iba ka sa mga laruang nakolekta,
Dahil sa aking kalungkutan ikaw ang nagpasigla.

Simpleng laruan pagdating sa iba,
Ngunit sa akin ika’y kayganda,
Mababa man ang iyong halaga,
Ibinili ko sa iyo’y galing pa sa alkansya.

Lumipas ang panahon at ikaw ay naluma,
Kasabay nito ay ang aking pagtanda,
Kasiyahang taglay unti-unting nawala,
Marahil ako’y hindi na nga bata.

Mga musmos sa lansangan tila di pinagpala,
Salapi o karangyaan pinagkakait ng tadhana,
Kaya ikaw laruan ay magiging gantimpala,
Sa mabait na bata na bago mong tagapag-alaga.

Ito ay ang  tula na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.




Ang Lahat ng Sa Iyo ay Akin Din



Minsan talaga tinatamad akong pumasok dahil sawang-sawa na ako sa iisa at paulit-ulit na senaryo na nasisilayan ko at isa na riyan ang dalawang magsyota na palagi na lamang nagliligawan sa gilid ng gumamela. Malamang, pagpasok ko pa lamang sa pinto ng aming silid-aralan na noon ay ninakawan ko ng padlak ay halatang umiiwas at nagsisipagtabi na ang sino mang makasalubong ko. Lahat sila natatakot kahit mas mukha silang nakakatakot at tila naiinis sa bawat galaw ko kaysa sa kaklaseng kong may putok na malayang iginagala ang nanununtok na amoy ng kili-kili niyang malago pa sa gubat ng isla Noah na talaga namang nagpalabas sa mga magma na dumadaloy sa mga ugat ko. Dahil doon ay muli akong sinaniban ng isang mang-uumit na ispirito na nakatira sa singsing ng planetang Jupiter at kung ano man ang dahilan kung bakit doon siya nanirahan ay hindi ko rin alam. Dahan-dahan kong inilibot ang aking mga mata, masigasig na nagmatsag na parang si Lupin III at nang makita ko na ang bibiktimahin ay sinimulan ko na ang paborito kong ginagawa sa oras ng klase lalo na kapag nagsusulat ang guro namin ng napakaraming matematika na talaga namang nagpapasakit ng ulo ko na hindi ko alam kung saang minahan nahukay. Nilapitan ko ang kaklase ko sa paraang hindi niya ako makikita at mararamdaman nang sa gayon ay makuha ko ang laruang pilit niyang itinatago sa akin. Kinapa ko ang bag niya at nang nahawakan ko na ang nais ko ay dali-dali ko itong kinuha sabay halakhak ng malakas na parang isang kontrabida sa isang pelikula. Tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay nakuha ko rin ang laruan niya ngunit ako’y natigilan nang ang nakita ko sa kamay ko na inakala kong sundalong laruan ay isa palang manika na sadyang itinirintas at tinalian ang buhok. Noon ko napagtanto na binabae pala si Gregorio na inakala kong maton dahil sa tuwing tinitingnan ko ito ay sinusuklian ako ng matalim na tingin na hindi ko alam na pinagnanasahan niya na pala ang birhen kong katawan, pakiramdam ko tuloy ay ang dumu-dumi ko na. Sa sobrang inis ko ay inihataw ko sa kanya ang manika niyang nakasuot ng micro-skirt at sabay pananakot na isusumbong ko siya sa tatay niyang sundalo kung hindi niya ibibigay sa akin ang baon niya.

Masyadong hindi naging maganda ang simula ng araw ko kaya naman para manumbalik ang sigla ko ay hinarang ko ang mga kaklase ko na naglalaro ng jolen. Dahil pagkakataon na ay umasta ako bilang isang guwardya na madalas wala sa geyt sa tuwing pumapasok ako at sinamsam ko lahat ng pag-aari nilang mga jolen maging ang sasakyang laruan ng isa sa mga miron. Madami ang umiyak kasabay ng tumutulo nilang berdeng uhog sabay pahid sa katabi, madami ang naihi sa salawal dahil sa takot habang ang isa ay nakapampers pa pala at sa dinadami-rami ng matatapang ay ang isang bulilit pa na hindi ko alam kung ipinaglihi sa butiki o sadyang malnuris dahil pwede na siyang mapagkamalang humuhingang kalansay na ang misyon ay paslangin ang mga halaman sa aming hardin. Sa tangkad kong ito wala pang isa ang humahamon at nananalo sa akin kaya naman ipinatikim ko sa bubwit na iyon ang sakit ng katawan na hinahanap niya dahil ako ay ako, nag-iisa, walang katulad maliban sa pagkakahawig namin ni Tom Cruz, anak ng gobernador at higit sa lahat ay makapangyarihan ngunit wala akong kamehameweyb, rasengan at reygan. Ako si Marco, matangkad, maganda ang pangangatawan na naghihintay lang ng ilan pang taon para maging isang modelo at guwapo na sa bawat kurap ng aking mga mata ay di mo mapipigilang maglaway. Wala akong pinapalampas mapababae o lalaki dahil ang anumang kanila ay nararapat na mapunta sa akin.

Mataas ang sikat ng araw na bahagyang natakpan ng ulap kasabay ng isang marahang ihip ng hangin. Araw ng Sabado kaya naman ang lahat ay nagliliwaliw at naglalaro ng wagas sa abot ng kanilang makakaya. Pumunta ako sa parke para makipaglaro pero isang kapangi-pangilabot na senaryo ang aking natunghayan na nagpatigil sa umiikot kong mundo dahilan kung bakit nabalutan ako ng inggit at galit nang makita ko na may bagong laruan ang kaibigan ko. Sinigiwan ko siya at nilapitan kasabay ng malakas na ingay na umalingawngaw na umagaw ng atensyon ng lahat. Sa harap ng marami ay matapang kong inagaw ang robot na hawak niya at inihagis ko sa pader na may bandalismong nakasulat na “bawal umihi dito” kung saan nangalas ang mga parte ng Voltes V niyang laruan. Tulad ng ama ko na madalas nagsasalita sa harap ng bayan ay ginamit ko ang oportunidad para sa isang anunsyo na maging global warming ay maaapektuhan. Ipinamukha ko sa kanila na ako lamang ang may karapatang magkaroon ng magagara at mamahaling laruan at sino man ang lumabag ay iuuntog ko sa masel ko na kasing laki ng bunga ng santol na bilog ang bunga, berde pag hilaw, dilaw pag hinog, kayumanggi pag bulok at kung ano ang kinalaman nito sa malupit kong anunsyo ay hindi ko rin alam. Kinuha ko isa-isa ang lahat ng laruang nakikita ko at hindi ko pinalampas maging ang manika ni Gregorio. Isinilid ko ang lahat sa sako ng basurahan na nakita ko habang ang iba ay ipinaanod ko sa kanal. Maya-maya ay dumating ang magulang ng kaibigan ko at dahil pangarap kong mag-artista ay ginamit ko ang aking talento sa pag-arte para mabilog ko ang pag-iisip ng kaniyang ina. Nagpanggap ako na malungkot kasabay ng kunwaring pagkawala ng mga laruan kong mamahalin at dali-dali kong sinisi ang isa ko pang kaibigan na halos nataranta ng hindi niya inasahang ituturo ko siya. Para mas maniwala ang lahat ay pinapatak ko na ang mga puro kong luha na sino man ay magagawang maawa at sa huli ay ako ang nagwagi. Pinauwi na ang kawawa kong kaibigan sabay buntal gamit ang sinturon habang ako ay patuloy sa paghalakhak nang sila ay nakalayo na.

Medyo dumidilim na ang paligid at kasabay ng unti-unting paglubog ng araw ay ang nakabibinging katahimikan sa parke. Nag-uuwian na ang lahat habang maya-maya ay nakita ko si Angela na nakaupo sa sa isang sulok. Agad ko siyang nilapitan para alukin na ihahatid ko na siya sa pag-uwi pero hindi niya ako pinansin at patuloy lamang siya sa pagtitig sa kalangitan. Maya-maya ay nagsalita siya at tinanong kung bakit ako nagkaganito. Nangungusap ang mga mata niya at tila nawasak ang puso ko kasabay ng panglalambot dahil tapat niyang sinabi na hindi niya ako gusto at kung maaari raw ay layuan ko na siya. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksyon, malulungkot, maluluha, magpapanggap na hindi ako nasasaktan o mamabutihin na lamang na tumakbo papalayo para maitago ang sakit na nadarama ko.

Kinabukasan ay parang walang nangyari, pilit kong itinago ang ano mang naganap kahapon at sa halip ay ibinaling ko na lamang ang aking atensyon sa mga kalaro ko na mukhang nahahalata na yata ang pagkamalungkot ko. Pagkalabas ko sa simbahan ay may isang musmusing bata na namamalimos at pilit hinihingi ang dala kong laruan at agad ko naman siyang itinaboy at sinigawan na kung maaari ay umalis siya sa dinaraanan ko. Dumaan ako sa parke bago umuwi para makipaglaro sa mga kaibigan ko pero napansin ko na malayo pa lamang ako ay tila nag-iiwasan na ang lahat maging ang mga nakasanayan kong mga kalaro. Nilapitan ko sila at niyakag na makipaglaro pero hindi ko inasahan na ipagtatabuyan nila ako sabay sabi na ayaw na nila kong kalaro. Dahil sa inis ay nagmatapang ako at hinamon ko ng suntukan ang mga kaibigan ko na alam kong di lalaban sa akin. Ginulo ko sila sa paglalaro at muli ay pilit kong inagaw at sinira ang kanilang mga laruan. Nagalit silang lahat dahilan upang sila ay magsama-sama at ako ay pinagkaisahan. Gulat na gulat ako sa mga kaganapan, nilabanan ko sila pero dahil ako lamang mag-isa ay umuwi akong sugatan at bigo.

Pag-uwi ko, sa labas pa lamang ng bahay ay nag-aaway na naman ang aking mga magulang na palaging wala dahil sa negosyo. Lumaki ako na halos ang yaya namin ang nag-aaruga at gumagabay sa akin na naging dahilan para ibaling ko na lamang sa mga laruan ang aking atensyon. Ang mga laruang ito ang nagsilbing mga kaibigan ko sa mahabang panahon, sila ang madalas na pinagsasabihan ko ng mga sama ng loob kahit minsan ay nagmumukha na akong baliw at sila ang nagbibigay ng aking kaligayahan lalo sa mga panahong mag-isa at nalulungkot ako. Kulang ako sa atensyon at pagmamahal mula sa aking mga magulang at wala naman akong kapatid para maging karamay. Tanging sa salapi, luho at sa mga ibinibigay na pangangailangan ko lamang nararamdaman na may matatawag pa pala akong mga magulang.

Maaga akong nagising para pumasok sa eskwelahan, nakita ko si Anthony na naglalakad at agad naman akong tumakbo papunta sa kaniya upang makisabay. Nagulat siya ng nakita niya ako dahil inaasahan niyang galit ako dahil sa ginawa nila sa akin hanggang sa dali-dali itong tumakbo papalayo at iniwan akong nag-iisa. Sa loob ng silid-aralan ay inakala ko na liban ang kaklase kong kahawig ni Doding daga pero laking gulat ko nang makita ko siyang nasa likod at doon naupo. Maliwanag na sa akin na ang lahat ay tuluyan ng umiiwas at lumalayo pero hindi ko sila kailangan dahil lumaki akong mag-isa at kaya kong mabuhay ng ako lamang. Sinigawan ko ang lahat ng mga kaklase ko, inilabas ko sa kanila ang galit ko, pinagkukuha ko muli ang mga laruan nila nang bigla akong natigilan ng isang tinig ng babae ang nagpahinto sa akin. Si Angela pala na buong lakas sumigaw na itigil ko na ang ginagawa ko kasabay ng pagpasok ng aking mga guro. Tulad ng inaasahan ay ako na naman ang masama, ipinatawag ang mga magulang ko na hindi ko alam kung nag-eeksis pa at ang mas malupit ay ipinuwesto ako sa likod ng mga upuan. Walang pumapansin sa akin kahit pilit akong nagpapansin at nang pandilatan ako ng babae kong kaklase na walang ginawa kundi ang makitsismis ay tinitigan ko siya ng masama tulad ng isang lalaki na sa sobrang inis ay kayang pasabugin ang mga bulkan.

Sa mga panahong iyon ko naramdaman ang tunay na kahulugan ng pag-iisa. Napakabigat ng pakiramdam ko na tila gusto ng tumulo ng luha sa kanang mata ko at parang pinagsakluban ako ng langit at lupa kung saan sa sobrang sakit ay para bang bumagsak ang planetang Jupiter at sa akin tumama. Mag-isa akong umuwi at wala pa rin ni isa ang naglalakas-loob na pumansin sa akin kahit iyong matanda na habang nagwawalis sa isang sulok ay nagbabasa ng isang libro tungkol sa white lady sa puno ng balete. Pagdating ko sa bahay ay nilapitan ko ang mga magulang ko para sabihin na kailangan nilang pumunta sa paaralan pero tulad ng dati ay abala sila sa tinatapos na negosyo at sinabi na ang yaya ko na lamang muli ang mag-aasikaso sa akin. Pakiramdam ko tuloy ang sama-sama kong bata, wala na nga akong mga kaibigan pero mukhang mawawalan din ako ng mga magulang.

Habang mag-isa sa kuwarto at nakahiga sa kama ko na napapalibutan ng napakaraming mga laruan ay nakaramdam ako ng pagsisisi. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko mapagsisinungalingan ang sarili ko dahil ang sakit-sakit na. Kung pwede lamang sana maulit ang mga naganap na at kung maaari ay ilagay sa una ang pagsisisi nang sa gayon ay hindi ako nahihirapan ng ganito. Hindi ko napigilan ang sarili ko at di ko namalayan na nagdarasal na pala para humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa ko kasabay ng patuloy na pag-agos ng mga luha ko.

Kinabukasan ay agad kong nilapitan si Angela para humingi ng tawad pero sinabi niya na dapat sa mga kaklase namin ako humingi ng tawad na inaasam ko. Habang umiihip ang malamig na hangin kasabay ng isang mabahong utot na hindi ko alam kung saan nagmula ay naramdaman ko ang mga kaba sa king dibdib. Buong tapang ko silang nilapitan para makiusap na patawarin na nila ako at ibinalik ko na rin ang mga laruang kinuha ko maliban sa manika ni Gregorio na namalayan kong nginatngat na ng aso namin at dinala sa ibang ibayo. Wala akong narinig na ano mang salita mula sa kanila at sa pag-aakalang pagtatawanan lamang nila ako dahil sa ang matapang na ako ay natutong humingi ng paumanhin ay minabuti ko na lamang na umalis at tumakbo para makaiwas sa kahihiyan. Maya-maya ay may mga naririnig akong mga estudyante na nagbubulungan na tila papunta sa kinaroroonan ko. Mga kaklase ko pala pero sa halip na pansinin sila ay itinuon ko na lamang sa iba ang aking atensyon pero laking gulat ko nang bigla nila kong lapitan at kausapin. Narinig ko mula mismo sa kanila na hinihintay lamang nila ako na humingi ng tawad at pilit nila kong iniiwasan nang sa gayon ay malaman ko ang pagkakamali ko. Halos maluha ako sa galak sa nalaman ko na kaya nilang patawarin ang tulad ko lalo na noong sinabi nila na magkakaibigan pa raw kami sabay yakag sa akin na makipaglaro. Mula naman sa kalayuan ay ang mga magulang na katatapos pa lamang na kausapin ng mga guro ko pero sa halip na ako ay kanilang pagalitan at sermonan ay humingi rin sila ng tawad sa akin dahil sa malaki nilang pagkukulang. Doon ko naramdaman ang tunay na pagmamahal ng lahat at iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakalimutan ko ang mga laruan maging ang galit ko sa lahat.

Hindi ko alam kung paano sasabihin pero ang mahirap na desisyon sa akin noon na ipahiram ang mga laruan ko ay naging madali na lamang ngayon. Natutunan ko na igalang ang lahat ng pag-aari ng iba at natutunan ko rin ang magbigay at magpahiram ng kung ano man ang mayroon ako. Agad ko ring pinuntahan sa labas ng simbahan ang pulubi na ipinagtabuyan ko noon para humingi sa kaniya ng tawad at para ibigay sa kaniya ang ilan sa mga paborito kong laruan na naging bahagi ng buhay ko. Maliwanag na sa akin na hindi dapat ako naging masamang bata kasabay ng napagtanto ko na hindi ko pala kayang mabuhay ng mag-isa dahil ang mabuhay ng manhid at hindi nagmamahal ay masahol pa sa isang pagkamatay. Madalas kong sabihin na dapat ang lahat ng  sa inyo ay akin din pero ngayon ay nangangako ako na  ang lahat ng sa akin ay buong puso kong ibabahagi ko sa inyo.


Ito ay ang maikling kuwento na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.